Iginiit ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing at Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing na itaas sa ₱15 bilyon ang kasalukuyang ₱10 bilyon na pondong nakalaan para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
Nakapaloob ito sa inihain ni Suansing na House Bill 212 na nag-aamyenda sa Section 13 ng RA 11203 o Rice Tariffication Law para mapalaki ang pondo ng RCEF.
Layunin ng panukala ni Suansing na mapag-ibayo ang produksyon at kita ng ating mga magsasaka.
Ang RCEF ay binuo para suportahan ang pagsasaka sa bansa at mabigyan ng tulong at training ang ating mga magsasaka para makamit ang target na mapababa ng 30 percent ang gastos sa pagtatanim ng palay at madoble ang ani nito.
Base sa Rice Tariffication Law, anim na taon lang popondohan ang RCEF pero sa panukala nina Suansing ito ay ipagpapatuloy para mahusay ang rice sector at matiyak ang food security sa bansa.
Bukod dito, pinadaragdagan din ang earmarked na pondo para sa iba pang essential farm inputs tulad ng fertilizer.
Mula naman sa P5 billion na funding itinutulak na itaas sa P5.5 billion ang pondo para naman sa mechanization program sa ilalim ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH).