Pondo para sa reforestation, maaring gamitin para sa trabaho sa mga lugar na sinalanta ni ‘Odette’

Ang bulto ng pondong P2.26 bilyon para sa reforestation sa ilalim ng National Greening Program o NGP ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay dapat mapunta sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Odette.

Ayon kay Senator Joel Villanueva ito ay para mabigyan ng trabaho at kabuhayan ang mga nasalanta habang nagtatanim ng mga puno sa mga lugar na nasira ng sakuna.

Dagdag pa ni Villanueva, nasa posisyon ang pamahalaan na gamitin ang pondo ng NGP para makapagbigay ng kabuhayan sa mga biktima at maprotektahan ang kapaligiran.


Dagdag pa ni Villanueva, magagamit ang pondo para sa NGP para sa mangrove planting na magsisilbing fish nursery at maging “tsunami at storm surge armor” para sa mga komunidad na malapit sa dagat.

Ang NGP ay inilunsad noong 2011, at ang P2.26 bilyon na pondo nito ay isa sa mga programa sa P19-bilyon na pondo ng DENR sa 2022.

Facebook Comments