Ipinababalik ni Senator Alan Peter Cayetano ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga paaralan para sa programang Basic Education Facilities ng Department of Education (DepEd).
Sa written manifestation ng mambabatas na binasa ng kanyang kapatid na si Senator Pia Cayetano, tinukoy rito na mahalaga ang pagbibigay ng maayos at ligtas na pasilidad para sa milyon-milyong mag-aaral at batay sa UNESCO ito’y mahalaga dahil may epekto ito sa enrollment, attendance, completion rates at learning achievements.
Ipinunto ni Cayetano na ang pagtapyas sa pondo para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga paaralan ng DepEd ay maglilimita sa kakayahan ng gobyerno na tugunan ang siksikan na mga silid-aralan at makapagbigay ng ligtas at epektibong mga lugar para sa pag-aaral ng mga estudyante.
Sa kabila ng pangangailangan para sa agarang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga paaralan ay binawasan pa ng P2 billion ang P6.132 billion na pondo para sa school building repairs sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program.
Nangako naman si Sen. Pia na sisikapin na maibalik ang P2 billion na ibinawas na pondo para sa school repairs.