Iginiit ni Senator Chiz Escudero na hugutin sa insurance claims ang rehabilitasyon ng nasunog na Manila Central Post Office.
Tinukoy ni Escudero ang Government Service Insurance System (GSIS) na “state insurance company” ng bansa na siyang dapat pagkunan ng pondo para sa reconstruction ng Central Post Office.
Malinaw aniyang nakasaad sa Republic Act 656 o “Property Insurance Law” na inoobliga ang lahat ng ahensya ng gobyerno, maliban sa ilang lokal na pamahalaan na ma-insure laban sa anumang insurable risk sa mga pag-aari o assets sa ilalim ng General Insurance Fund (GIF) na pinangangasiwaan ng GSIS.
Sinabi ni Escudero na bago pa man galawin ang ibang pondo na nasa national budget ay unahin munang habulin at gamitin ang pera sa insurance.
Dagdag pa ng senador na pati ang mga Public-Private Partnership (PPP) projects na may insurable interest ang gobyerno ay dapat nakaseguro o insured sa GSIS.
Sa kasalukuyan, ang fire insurance premiums ng PhilPost ay nakapaloob sa P25.8 million budget para sa sari-saring taxes, duties and licenses, insurance, fidelity bond premiums at iba pang singil.