Kinuwestyon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pagpapadaan sa Local Government Units (LGUs) ng pondo para sa special risk allowance (SRA) ng mga health worker.
Ginawa ito ni Zubiri makaraang lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na hindi idiniretso sa mga ospital ang nabanggit na salapi.
Ang impormasyon ni Zubiri ay base sa liham na kanyang binasa sa pagdinig ng Senado mula kay Dr. Jose De Grano na siyang Presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Incorporation (PHAPi).
Nakasaad sa sulat na kailangan pang magkaroon ng board resolution ang LGU bago bumuo ng Memorandum of Agreement ang LGU at ospital at saka pa lang mailalabas ang pondo.
Nangako naman si Health Secretary Francisco Duque III na aalamin itong mabuti sabay diin na base sa kanilang polisiya ay dapat diretso sa ospital at hindi sa LGUs ang pondo para sa SRA ng mga health worker.