Pondo para sa tulong ng gobyerno sa mga pasyenteng may cancer, pwede nang magamit ayon sa DBM

Magagamit na ng mga pasyenteng may cancer ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa pagtugon sa kanilang gamutan sa mga ospital ng gobyerno at iba pang pasilidad ng Department of Health (DOH).

Ito ay matapos ang inilabas na Joint Memorandum Circular ng Department of Budget and Management (DBM) para sa pagpapatupad ng implementing guidelines sa paggamit ng cancer assistance fund na nagkakahalaga ng P529.2 milyon.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang paglalaan ng pondong ay nakabatay sa Special Provision No. 13 ng budget ng DOH sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act kung saan magagamit lamang ang pondo kapag naglabas na ng joint memorandum circular.


Ayon kay Pangandaman, malaking tulong ito sa mga pasyenteng may cancer upang mapagaan ang kanilang dalahin sa mahal ng pagpapagamot.

Layunin ng batas para dito o National Integrated Cancer Control Act na mabigyan ng tulong at suporta ang mga pasyenteng may cancer, mga taong patuloy na namumuhay na may taglay na cancer at mga cancer survivor.

Kabilang sa paggagamitan ng pondong ito ay ang outpatient at inpatient cancer control services, tulad ng diagnostics, therapeutic procedures, at iba pang cancer medicines na kailangan para sa gamutan at management ng cancer at ng care related components nito.

Pwedeng gamitin ang pondo hanggang December 31, 2023 batay na rin sa cash-based budgeting system at sa ilalim ng kasalukuyang budgetary requirements ng DBM.

Facebook Comments