Napababa sa ₱700,000 ang ginastos para sa Christmas lighting sa San Quintin mula umano sa dating higit ₱1 milyon noong nakaraang taon.
Sa social media idinaan ng opisina ng bise alkalde ng bayan ang saloobin hinggil sa pondo at dekorasyon ngayong taon, kasunod ng mga paghahambing sa Christmas lighting noong 2024 na tinawag ng ilang residente na mas maganda.
Ayon sa kanilang pahayag, karaniwang umaabot sa P1.5 hanggang P2 milyon ang nagagastos sa mga nakaraang pailaw, at mayroon pa umanong hindi nababayarang kontrata mula sa mga nagdaang taon.
Anila, nararapat lamang na mas maganda ang dating pailaw kung doble ang naging gastos noon.
Samantala, ilang residente ang umapela na huwag nang ikumpara ang dekorasyon dahil hindi naman dito nasusukat ang diwa ng pasko.
Noong Sabado, Nobyembre 22, opisyal nang pinailawan ang mga dekorasyong pampasko sa bayan, tampok ang pagtatanghal ng mga residente.









