Ipinanukala ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na ilaan na lamang ang pondo ng contact tracing efforts sa mga ospital at ilang health facilities sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz Jr., na mawawalan ng saysay ang contact tracing kung hindi rin naman sasailalim sa COVID-19 test ang mga indibidwal at wala ring pasilidad na maaaring pagdalhan sakaling magpositibo sa virus.
Marami ring aniyang Pilipino ang walang kakayanang magpa-test lalo na’t nasa sa P3,800 hanggang P5,000 ang COVID-19 testing para mga private hospitals at laboratories.
Paliwanag ni Ortiz, kung ganito ang ginawa ng gobyerno ay hindi na kailangan pang sumailalim sa lockdown o mas mahigpit na quarantine restrictions ang ilang lugar sa bansa.