Huhugutin sa “loans” ang pondo para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) sa House Committee on Health sa gitna ng kanilang budget proposal presentation para sa susunod na taon.
Nakwestyon kasi ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang DOH kung bakit walang alokasyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa panukalang 2022 budget.
Tugon ni Health Sec. Francisco Duque III, may alokasyon naman sa ilalim ng “unprogrammed funds” na ₱45 billion para sa COVID-19 booster shots.
Katunayan aniya, may inisyal na hiling ang DOH na ₱104 billion para sa COVID-19 vaccines pero ito ay kinaltasan at inilagay sa “unprogrammed funds” ng Department of Budget and Management (DBM).
Ipinaliwanag naman ni DOH Usec. Mario Villaverde, na mayroong loans na kayang masakop ang supply para sa una at ikalawang doses ng ilang brand ng COVID-19 vaccines at single dose ng Johnson & Johnson (Janssen).
Dagdag ni Villaverde, ang supply naman ng mga bakuna kontra COVID-19 para ngayong taon ay mula sa foreign-assisted projects, gaya ng World Bank, Asian Development Bank (ADB), Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), COVAX Facility, bilateral donations ng China at Japan at iba pang bilateral agencies.