Umaasa ang Kongreso na makakatulong ang malaking pondo para sa feeding program ng pamahalaan para maiangat ang kabuuang kondisyong pangkalusugan ng mga batang Pilipino.
Ito ang hangarin ng Kamara kasabay na rin ng obserbasyon ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.
Kaugnay nito ay naglaan ng P7.8 billion para sa feeding program sa ilalim ng 2022 national budget.
Aabot sa P4.2 billion ang para sa Supplemental Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagbibigay ng pagkain at gatas sa 1.9 million na kabataan edad dalawa hanggang limang taong gulang sa loob ng 120 araw.
Makakakuha naman ang School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) ng P3.3 billion para sa nutritious food products at fresh milk na pakikinabangan ng nasa 1.7 million na mag-aaral mula kindergarten hanggang grade 6.
Mayroong din P250 million para sa Complementary Feeding Program ng Department of Health (DOH) para sa therapeutic milk at protein-enriched meals bilang dagdag nutrisyon sa mga sanggol edad anim hanggang 23 buwan maging sa mga breastfeeding mothers.
Para naman sa pagpapatupad ng Early childhood Care at First 1,000 days program, makatatanggap ang National Nutrition Council ng P139 million.