Pondo sa ilalim ng Bayanihan 2, hindi iniipit – DBM!

Nilinaw ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi nito dine-delay ang paglalabas ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act.

Sa budget hearing noong Lunes, matatandaang kinuwestyon ng ilang senador kung bakit P6 billion lang mula sa P165.5 billion na pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ang nailabas ng DBM.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni DBM Secretary Wendel Avisado na hindi nila iniipit ang pondo para sa mga programang tutugon sa epekto ng COVID-19.


Sa halip, sinisi ni Avisado ang mabagal na pagsusumite ng requirements ng mga concerned government agencies.

“Alam naman po ng lahat ng mga kalihim na dapat magsumite sila ng tinatawag na special budget request, budget execution document, financial plan, monthly disbursement program, nando’n po ‘yung justification bakit ganito ang kailangang gawin nila. ‘Yan po ‘yong mahahalagang proseso na kailangang mai-submit sa amin,” ani Avisado.

“Ang una pong papagalitan d’yan ng Pangulo, ang DBM kung may delay. Kami rin po ayaw talaga namin na ma-delay ‘yan dahil kailangan po ‘yan e. Subalit hindi naman po pupwede, kasi part of our functions, hindi lamang po sa execution kundi ‘yong management nung funds. Kasi kung pasok kami nang pasok ng pera pero hindi nagagamit at natutulog e kawawa naman po ang taumbayan,” dagdag pa ng kalihim.

Pagtitiyak pa ng kalihim, hindi sila papayag na mawalan ng pondo ang bawat ahensya ng pamahalaan.

Nabatid na hanggang December 19, 2020 lang maaaring gamitin ang pondo sa ilalim ng Bayanihan 2.

Kaugnay nito, binigyan ng DBM ng hanggang sa katapusan ng Oktubre ang mga ahensya ng gobyerno para makapagsumite ng requirements para kanilang budget request.

Facebook Comments