Pinuna ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung bakit wala sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa budget briefing ng DBCC sa Senado, kinwestyon ni Pimentel kung bakit wala sa 2024 national budget ang dividends ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alokasyon para sa MIF.
Paliwanag dito ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, hindi na makikita sa 2024 NEP ang alokasyon para sa Maharlika Fund dahil ito ay naka-automatic appropriations na at nakalagay sa ibang libro sa ilalim ng Budget of Expenditures and Sources of Financing (BESF).
Nagtataka naman si Pimentel dahil noong pinondohan ang capitalization ng BSP gamit ang dibidendo ng BSP na isang batas din ay makikita naman ito sa NEP pero ang pondong ilalaan para sa MIF ay hindi makikita sa pambansang budget.
Tanong tuloy ni Pimentel kung isa bang ordinary o isang extra special GOCC ang Maharlika Investment Corporation para hindi na ilagay sa NEP ang detalye ng pondo ng MIF.
Paliwanag naman dito ni DBM Undersecretary Janet Abuel, batay sa batas, ang capitalization at initial funding sa MIF kasama ang kontribusyon mula sa BSP ay ire-remit sa National Treasury bilang special account ng general fund at ito ay solong alokasyon lamang para sa MIC capitalization.
Ibig sabihin, dahil ito ay automatic appropriations ay pinapayagan na kahit wala ang detalye nito sa NEP.
Pinayuhan naman ni Pimentel na mag-ingat lamang dito ang pamahalaan dahil ito ay maituturing na ‘dangerous interpretation’ ng batas at posibleng gamiting dagdag na argumento ng mga maghahain ng petisyon laban sa MIF.