Kung ibinigay sa Department of Education (DepEd) ang P398 milyonna pondo para sa paglalagay ng white sand sa Baywalk, Manila Bay ay makakabili sana ito ng gadgets para magamit ng mga estudyante sa blended learning.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na malaking pakinabang ang nasabing halaga para makabili ng computer at gadgets na ibibigay sana sa mga mag-aaral lalo na sa mga isolated o malalayong paaralan upang maipagpatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral.
Maliban dito, maaari rin nila sana ipambili mula sa matitirang halaga ng mga radyo at pag-print ng learning modules na siyang ibabahagi naman sa mga estudyanteng walang access sa internet.
Ang paglalagay ng white sand o dinurog na sedimentary rocks sa kahabaan ng Baywalk sa Manila Bay ay sentro ngayon ng pagpuna at batikos dahil mas inuna pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing programa kaysa pondohan ang COVID-19 response ng pamahalaan o gamitin sa mas kapaki-pakinabang na bagay tulad ng pagbili ng gadgets ng mga estudyante para sa nakatakdang blended learning.