Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na may tiyak na pondo para sa dagdag na social pension ng mga senior citizen.
Nitong Hulyo ay naging batas ang pagtataas sa P1,000 ng social pension ng mga indigent senior citizen mula sa kasalukuyang P500 kada buwan.
Ayon kay Angara, mayroong malaking pondo para sa programmed funds kaya may budget para sa mga senior citizen.
Paliwanag ng senador, ang nilagay sa unprogrammed funds ay ang idinagdag na P500 sa pensyon ng senior citizens dahil Hulyo lamang ito naisabatas at hindi na ito naihabol sa 2023 National Expenditure Program (NEP) na unang bahagi pa lamang ng taon ay tapos na.
Magkagayunman, kapag sinabi kasing ‘unprogrammed funds’ ay hahanapan pa ito ng paghuhugutang pondo, nangangahulugan na wala pa talaga itong tiyak na budget na mapagkukunan.
Sa 2023 national budget, nasa P25 billion ang budget para sa social pension ng mga senior citizen at dahil sa dagadag na P500 sa buwanang pensyon ng mga nakatatanda ay dodoble ang kailangang pondo sa P50 billion.