Hindi pa matiyak ng pamahalaan kung saan kukuha ng pondo na gagamitin ng Pilipinas para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 sakaling maging available na ito.
Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ₱4.5 trillion na 2021 General Appropriations Act (GAA) na magbibigay pondo sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa interview ng RMN Manila kay Department of Budget and Management (DBM) Sec. Wendel Avisado, sinabi nito na may ilan nang pinag-aaralang plano ang pamahalaan kung saan kukuha ng pondo para sa pagbili ng bakuna.
Una, ito ay ang excess revenue sa 2021 General Appropriations Act at ang program loan fund nito.
At pangalawa; ang pag-utang sa Asian Development Bank (ADB) at World Bank.
Bagama’t hindi pa sigurado, tiniyak naman ni Avisado na puspusan ang kanilang ginagawang hakbang kasama si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. para makipag-usap sa lahat ng manufacturing company sa buong mundo.
Sa ngayon, sinabi ni Avisado na tinatayang nasa 70 bilyong piso ang pondong kakailanganin ng pamahalaan para sa bakuna na sasapat sa 70 hanggang 80 milyong Pilipino.