Pinatutukoy ni Senator Sherwin Gatchalian ang source o pagkukunan ng pondo para kapital sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Iginiit ng senador na ang ‘funding’ ng MIF ang siyang dapat na pangunahing mapagusapan ng mga senador kapag sinimulan na itong talakayin.
Aniya, kung pagpopondo lang ang paguusapan ay hirap nga ang bansa na makahanap ng budget para sa pagtatayo ng mga paaralan.
Bukod sa paghuhugutan ng pondo para sa MIF ay dapat matimbang din ang aspeto na kung makalikom man ng pondo ay sapat ba ito para kumita ang sovereign wealth fund.
Punto pa ni Gatchalian, kung hindi sapat ang budget ay posibleng hindi maging epektibo ang pagkakaroon ng sovereign fund.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mayroon nang inihain na counterpart ng Maharlika Bill si Senator Mark Villar na siyang Chairman naman ng Committee on Banks and Financial Institutions na siyang hihimay sa kontrobersyal na panukala.
Sa tantya pa ni Zubiri, posibleng mapagtibay ng Senado ang MIF Bill sa ikalawa at ikatlong pagbasa pagkatapos ng Holy Week dahil marami pang dapat na busisiin ang mga mambabatas sa nasabing panukala.