Pondong pang-ayuda sa ilalim ng proposed 2022 national budget, tiniyak ng Senado

Maglalaan muli ang Senado ng pondo na pang-ayuda sa mga mahihirap at maliliit na manggagawa sakaling magkaroon uli ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang tiniyak ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara sa gitna ng plenary deliberations ng Senado sa mahigit ₱5 trillion pambansang budget sa susunod na taon.

Sabi ni Angara, tugon din ito sa sinabi ng economic team ng Malacañang na kailangang maghanda ang pamahalaan ng tulong pinansyal sakaling muli na namang tumaas ang COVID-19 cases kung may susulpot na namang bagong variant ng virus.


Kung mangyayari ito ay posibleng kailanganin muli ang pagpapatupad ng mga lockdown at paghihigpit ng quarantine protocols.

Binanggit ni Angara na mayroon ₱3 billion na naka-endorso sa ilalim ng budget ng Department of Agriculture (DA) na pantulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Mayroon naman aniyang ₱5 billion na nakapaloob sa budget ng Department of Transportation (DOTr) para sa service contracting sakaling hindi muli makapasada ang mga pampublikong jeep at bus.

Sabi ni Angara, itinaas naman nila sa ₱41 billion ang pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantages o Displaxed Workers (TUPAD) na isang programa sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Tinukoy ni Angara na sa budget version naman ng Ehekutibo ay may ₱107 billion na nakalaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Facebook Comments