Pondong tinapyas sa SUCs, pinababalik ng Makabayan bloc

Inihain ng Makabayan bloc ang House Resolution 403 na humihiling na ibalik ang tinapyas na pondo para sa State Universities and Colleges o SUCs sa ilalim ng panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.

Batay sa proposed 2023 national budget, nasa ₱93.08 billion ang alokasyon para sa SUCs na mas mababa ng mahigit ₱10.8 billion kumpara sa ₱103.97 billion na pondo ngayong 2022.

Nakasaad sa resolusyon na nasa 81 mula sa 116 SUCs ang mayroong budget cuts sa kanilang kabuuang pondo.


115 SUCs ang nabawasan ang operating budget, 83 schools ang nabawasan ang capital outlay at 17 paaralan naman ang lumiit ang pondo para sa personnel services.

Dahil dito ay inihihirit ng Makabayan bloc sa House Committee on Appropriations na i-balik ang “budget cuts” para sa SUCs at maglaan din ng ₱112 billion na alokasyon sa “supplementary funds”.

Giit ng Makabayan bloc, malaki ang epekto ng tapyas-pondo sa kapasidad ng SUCs, lalo para sa implementasyon ng full face-to-face classes at kapuna-puna rin ang hindi sapat na pondo para sa mga paaralan na nasapol ng mga kalamidad gaya ng bagyo at lindol.

Ang supplementary budget naman ayon sa Makabayan ay gagamitin sa pagkakaroon ng angkop na “ventilation” sa mga silid-aralan, health facilities at supplies at pagkuha ng dagdag na health workers at medical fund.

Kasama rin sa paggamit ng supplementary fund ang internet allowances para sa mga guro at kanilang mga kagamitan sa pagtuturo, gayundin ang kompensasyon sa mga guro na mag-eextend ng oras para matulungan ang mga estudyante.

Facebook Comments