Massive targeted testing sa pamamagitan ng pooled testing ang isa sa malaking pagbabagong ipatutupad ng gobyerno sa mga susunod na araw para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa kanilang impormasyon, tapos na ang ginawang pilot testing para sa pooled testing.
Pero kapag nag-anunsyo na si Pangulong Rodrigo Duterte bukas ng quarantine classification ay magsasagawa pa rin ng panibagong pilot testing.
Paliwanang ng kalihim, sa oras na ipatupad na ang pooled testing, maaaring umabot na lamang sa P300 ang babayaran sa testing, kung saan paghahati-hatian ng 10 taong isasailalim sa pooled testing ang isang testing kit na nagkakahalaga ng P3,000.
Sa ganitong pamamaraan ay mas marami ang mahihikayat na magpa-COVID test dahil mura na lamang ang kanilang babayaran.
Maliban dito, mas pinaigting pa ang contact tracing gamit ang paraan ni Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hanggang sa 3rd degree tracing.