‘Pooled testing’ para sa COVID-19, ikinukonsidera ng pamahalaan

Ikinokonsidera ng pamahalaan ang pagsasagawa ng “pooled testing” para sa COVID-19.

Ito ang pahayag ng Malacañang kasunod ng sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi kakayanin ng gobyerno na i-test ang lahat ng Pilipino.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa pamamagitan ng pooled testing ay mapapabilis ang pagtukoy sa mga indibidwal na mayroong COVID-19.


Iginiit ni Roque na hindi kakayanin ng bansa na isalang sa COVID-19 test ang nasa 110 milyong Pilipino.

Sa ilalim ng pooled testing, ang samples mula sa isang maliit na grupo ng mga tao ay isasalang sa test bilang isa.

Kapag nagnegatibo ang resulta ng test, ikukonsidera na silang ‘cleared’ mula sa virus.

Pero kung positibo ang lumabas na resulta ay lahat na sila ay ite-test.

Sa ngayon, aabot na sa higit isang milyong indibidwal ang na-test para sa COVID-19.

Nabatid na target ng pamahalaan na i-test ang nasa 10 milyong Pilipino o 10% ng populasyon sa susunod na taon.

Facebook Comments