“Poorest of the poor” dapat prayoridad sa pamamahagi ng tulong ngayong may pandemya

 

Naghatid ng tulong si Senator Christopher “Bong” Go at ang Department of Social Welfare ang Development (DSWD) sa mahihirap na komunidad sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.

Ayon kay Go, ang mahihirap at vulnerable sectors ang pangunahing dapat na nakatatanggap ng tulong ngayong may pandemya ng COVID-19.

Malaki aniya ang naging epekto ng pandemya sa pamumuhay ng mga Filipino lalo na ang mga nasa low-income families na nawalan ng pagkakakitaan.


“’Yung mga mahihirap, sila po ang pinaka-apektado ng sitwasyon ngayon. Gustuhin man nilang maging ligtas, pilit silang lumalabas upang makahanap ng kabuhayan. Bukod sa takot sa COVID-19, takot rin silang magutom,” ayon kay Go.

Mahalaga ani Go na unahing pagsilbihan ang mga nasa mahihirap na sektor para matulungan silang makabangon muli at maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health, tiniyak din ni Go na ang mga mahihirap at vulnerable sectors ang unang makatatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 sa sandaling maging available na ito sa bansa.

“Kapag dumating ang vaccine, uunahin namin ‘yung mahihirap. Kasi kayo po ang vulnerable, kayo ang kailangang magtrabaho, kayo ang kailangang lumabas para mabuhay kaya dapat unahin kayo ng gobyerno… Konting tiis lang po, magtulungan lang po tayo,” dagdag ng senador.

Inihatid ng tanggapan ni Go ang tulong sa mahihirap na residente sa Brgy. Pila-pila sa Binangonan, Rizal.

Umabot sa 380 na indbidwal ang nakatanggap ng food packs at face masks, habang may iba ding nakatanggap ng bisikleta.

Ang DSWD naman ay namahagi ng food packs sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program.

Habang ang mga non-SAP beneficiaries naman ay pinagkalooban ng cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng kagawaran.

Kinabukasan, sa Brgy. Matimbo, Malolos, Bulacan naman namigay ng pagkain at face masks ang mga staff ng senador.

91 residente ang nakinabang sa tulong at may mga nabigyan din ng bisikleta.

Sa kaniyang video message, ipinaalala ni Go sa publiko ang palagiang pagsusuot ng masks, practice strict social distancing at proper hygiene.

Malaking tulong aniya ang pagsusuot ng face masks para mabasawan ang risk na mahawa sa sakit.

Ipinaalala din ni Go sa mga residente na maari silang mag-avail ng tulong sa Malasakit Centers sa mga DOH hospitals sa bansa.

Ang Malasakit Centers ay one-stop shop para sa financial at medical assistance mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Philippine Health Insurance Corporation.

Sa Rizal ay mayroon nang Malasakit Centers sa Margarito A. Duavit Memorial Hospital at sa Antipolo City Hospital System Annex 4.

Ang Malasakit centers naman sa Bulacan ay nasa Bulacan Medical Center sa Malolos City, at sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria.

“Kung mayroon pa kaming maitutulong, kung kailangan ninyo ng operasyon sa Maynila, sa puso, sa kidney o kung anumang sakit, lumapit lang kayo sa amin at handa po akong tumulong sa inyo. Huwag lang po kayong mahiyang lumapit sa akin dahil trabaho namin ‘yan na magserbisyo po sa inyo. Sa abot ng aming makakaya, gagawin po namin ang lahat upang matulungan ang mga Pilipino na malampasan ang krisis na ito at makabangon muli. ‘Yung mga mahihirap at pinaka-nangangailangan, kayo po ang palagi naming uunahin,” ayon pa kay Go.

Sabi ni Go, “Let us work together to keep the invisible enemy at bay and buy more time until there is a vaccine available,”

Facebook Comments