Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Population and Development (CPD) sa lumalaking bilang ng mga kaso ng mga batang nabubuntis.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni PopCom Deputy Executive Director Lolito Tacardon, nakakalungkot na may naitalang live birth na isang walong taong gulang sa Sulu noong 2023.
Sa pareho ring taon ay naitala naman sa Civil Registry and Vital Statistics ang 11,497 live births sa mga edad 10 hanggang 15 taong gulang habang 54,510 live births sa mga 17 anyos pababa habang 23,260 live births naman ang repeat pregnancy.
Magkagayunman, nakakaalarma aniya ang kaso ng mga edad 10-14 years old na nabuntis noong 2023 ay tumaas sa 3,342 mula sa 1,629 noong 2013.
Nababahala rin si DOH Assistant Secretary Albert Domingo na ilan sa mga tinamaan ng human immunodeficiency virus (HIV) ay naganap ang kanilang unang sexual contact noong 16 anyos subalit ang paggamit ng contraceptives ay ginawa na lamang noong 17 na.
Inirekomenda ni Domingo na pag-aralan din ang maagang pagtuturo tungkol sa puberty sa halip na simulan ito sa 11 anyos.
Aniya, maaring namang ikonsidera ang pagbibigay ng age-appropriate at culturally-sensitive information sa mga edad 8 hanggang 9 na taong gulang.