Pinasalamatan ni Pope Francis ang sambayanang Pilipino sa paghahatid ng ligaya sa buong mundo lalo na sa Christian communities.
Ito ang pahayag ng Santo Papa kasabay ng pagdiriwang ng ika-500 taong anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa kanyang Banal na Misa na isinagawa sa St. Peter’s Basilica sa Roma, sinabi ni Pope Francis na mula nang dumating ang Kristiyanismo sa Pilipinas, natanggap ng mga Pilipino ang mabuting balita ng Ebanghelyo.
Aniya, sa sobrang pagmamahal ng Diyos sa ating lahat ay ibinigay niya ang kanyang anak na si Hesus.
Ang ligayang ito ay makikita at sumasalamin sa bawat Pilipino, mula sa mga kanta at panalangin.
Bukod dito, sinabi rin ni Pope Francis na ang mga Filipina ay “smugglers” ng pananampalataya at dapat panatilihin ito.
Hinimok din ng Santo Papa ang mga Pilipino na patuloy na ipakalat ang pananampalatay at ang mabuting balita.
Ang misa ay sinimulan sa pamamagitan ng prusisyon ng imahen ng Sto. Niño at replika ng Magellan’s cross.
Kasama ng Santo Papa sa selebrasyon si Cardinal Luis Antonio Tagle, ang prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, at Cardinal Angelo De Donatis, ang vicar ng Santo Papa sa Roma.