Cauayan City, Isabela- Inaasahan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela na lolobo ngayong taon sa mahigit 1.6 milyon ang populasyon ng Lalawigan para sa kanilang nalalapit na census sa Setyembre.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Julius Emperador, pinuno ng PSA Isabela, base aniya sa kanilang pinakahuling census na isinagawa noong taong 2015 ay nasa mahigit 1.5 milyon ang populasyon ng Isabela at inaasahan na tataas ito ngayong taon sa 1.6 milyon kabilang na ang mga napauwi sa ilalim ng ‘Balik Probinsya’ ng pamahalaan.
Nakahanda na rin aniya ang kanilang pamunuan sa nalalapit na census at hinihintay na lamang na matapos ang hiring ng City of Ilagan at Cauayan City dahil ilan kasi sa mga nakuha bilang enumerators ay mayroon nang ibang trabaho.
Naisagawa na sana aniya ito noong Mayo subalit dahil sa COVID-19 pandemic ay naantala ito.
Dagdag pa ni Ginoong Emperador, sasanayin muna ngayong Agosto ang mga Census area supervisors na magsisilbing trainers sa mga munisipyo bago sumalang ang mga ito sa pagcecensus.
Hiniling naman nito sa buong mamamayan ng Isabela na makiisa sa isasagawang census ng PSA at ibigay lamang ang tamang impormasyon at tamang miyembro ng pamilya para magkaroon ng totoong datos sa populasyon ang Pilipinas.
*tAGS: PSA ISABELA, ginoong julius emperador, 98.5 ifm cauayan, ifm cauayan city, cauayan city, isabela, luzon*