Populasyon ng kada barangay, pinalilimitahan sa 15,000

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang limitahan ang populasyon ng bawat barangay sa 15,000 sa lahat ng urban areas sa bansa.

Layon ng House Bill 6686 na inihain ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga residente.

Katwiran ng kongresista, kahit gaano kaayos ang sistema ng paghahatid ng social services ay nagpapahirap pa rin dito ang populasyon ng barangay.


Samantala, sa ilalim ng panukala, lahat ng existing barangay sa urban areas na may populasyong lampas sa 15,000 ay hahatiin para bumuo ng karagdagan pang mga barangay.

Pero paglilinaw ni Barbers, hindi magbabago ang internal revenue allotment ng isang barangay kahit na ito ay hatiin.

Oras na mapag-usapan na sa Kamara, kokonsultahin din aniya nila ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan.

Suportado naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mungkahing ito ng kongresista.

Facebook Comments