Populasyon ng Pilipinas, posibleng sumampa sa mahigit 112 million pagsapit ng 2022; unintended at teenage pregnancy, pinatututukan!

Posibleng pumalo sa mahigit 112-million ang populasyon ng Pilipinas pagsapit ng 2022.

Ayon kay Commission on Population and Development (POPCOM) Usec. Dr. Juan Antonio Perez III, isa sa pangunahing dahilan ng pagtaas ng populasyon ng bansa ay ang “unintended pregnancy.”

Aniya, nasa pagitan ng 1.5 million hanggang 2 million kababaihan kasi ang hindi nabibigyan ng serbisyo sa family planning.

“Habang hindi sila napaglilingkuran ng bayan, ng gobyerno, ng mga local government na mabigyan ng ganyang serbisyo, nadadagdagan ‘yung tinatawag natin na ‘unintended pregnancy’ o hindi planadong pagbubuntis at isa itong bagay na nagtutulak ng pagtaas ng populasyon,” ani Perez sa interview ng RMN Manila.

“Nakikita namin na 3 sa bawat 10 pagbubuntis ay hindi planado.”

Samantala, 10% naman ng pagtaas ng populasyon ay bunsod ng teenage pregnancy.

“Ang nakakabahala lang sa teenager ay bata pa siya at kung patuloy ang kanyang pagbubuntis, panganganak ay magiging malaki ang ambag niya sa population. Isa pa, yung mga pamilya ng mga batang ina ay very poor, mahihirapan silang makaahon sa kahirapan,” paliwanag ni Perez.

Kaugnay nito, sinabi ni Perez na malaki ang maitutulong ng Comprehensive Sexuality Education ng Department of Education para mabawasan ang teen pregnancy.

Pero aniya, dapat ding tutukan ng gobyerno ang sex education sa labas ng mga eskwelahan.

“Yung isang gusto sana naming palawigin pa, yung comprehensive sexuality education sa labas ng eskwelahan. Dahil sa labas ng eskwelahan, dito kami nakakakita ng very young adolescent na nabubuntis, yung 10 to 14 years old. Malamang, may incidence ng abuse, violence kaya sila nabubuntis.”

Facebook Comments