Population Immigration and Border Authority, pinatitigil ang panghuhuli sa mga Pinoy caregivers na paso na ang visa sa Israel

Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Israel na pansamantalang ipinatitigil ng Population Immigration and Border Authority (PIBA) ang paghuli sa mga caregivers na paso na ang visa at hindi naaprubahan ang kanilang request for extension of work permit.

Ito ang pahayag ni Philippine Ambassador to Israel Pedro Junie Laylo Jr., dahil sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng giyera kasunod ng pagbibigay kalinga at tulong sa mga pamilya ng Israeli na nangangailangan ng caregivers.

Ayon kay Ambassador Laylo, sakop nito ang mga caregivers na hindi pa hihigit sa 13 years ang pananatili sa Israel mula nang unang dumating siya sa bansa para magtrabaho.


Dapat din aniya ay walang criminal record kaso sa Korte o anumang paglabag sa batas.

Ang mga kwalipikadong caregivers ay hinihikayat na kausapin ang kanilang mga employers upang mai-process ang kanilang request.

Kung ang kwalipikadong caregivers naman na walang employer, maaari siyang maghanap ng bagong employer o mag-apply sa agency na siyang magsa-submit ng request sa humanitarian committee ng PIBA.

Kailangan aniyang mai-submit ang request bago sumapit ang deadline ng PIBA sa April 30, 2024.

Facebook Comments