Pinaalalahanan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga babiyahe ngayong Semana Santa na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit para makaiwas sa abala.
Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng buhay, frozen at processed pork and poultry products bilang pag-iingat sa African Swine Fever at bird flu.
“I-check muna po nila kung yung sa destinasyon na yun ay ipinagbabawal po ang pagdadala o pagpapasok ng live o processed chicken o pork para maiwasan yung bird flu o ASF dahil yan po ay binabantayan din pong maige ng Bureau of Quarantine. Huwag na po nilang subukan dahil yan po ay kukumpiskahin,” ani Santiago sa interview ng RMN-DZXL.
Bawal din ang pagbibitbit ng matatalim na bagay, armas at inflammable materials.
Dagdag pa ni Santiago, bagama’t walang limitasyon sa mga bagahe sa barko ay mainam na huwag nang magdala ng mabibigat na gamit.
“Ang amin lang din pong pinapakiusap, para na rin po sa maginhawang pagbiyahe nila, kung maaari po talaga, kung maiiwasan, e yung travel light nga po, lalong-lalo na po kung may kasama silang bata or elderly, buntis o kaya po PWD kasi dagdag pang bitbitin yung extra baggages, extra cargo nila [maasikaso] yung mga kasama nila. Kung maaari po talaga, kung ano lang ang necessesary na dalhin, yun na lang po ang dalhin nila sa kanilang biyahe,” paalala ng opisyal.
Una nang inabisuhan ng PPA ang mga pasahero sa Port of Batangas na maglaan ng mahigit tatlong oras na allowance matapos na suspendihin ng mga shipping lines ang advanced booking at online ticketing system.
“Yun pong mga barko po dyan na bumabiyahe mula Batangas papuntang Calapan sa Oriental Mindoro, sa Puerto Galera, sa Romblon papunta pong Iloilo at Aklan, hindi po sila tumatanggap ng advanced booking at suspended din po yung online ticketing platform ng ilang barko kaya obligado ang mga kababayan natin na pumila para bumili ng ticket para lang din sa araw na iyon. Hindi ka pwedeng bumili ng ticket for any succeeding day,” paliwanag niya.
Nanawagan naman si Santiago sa Maritime Industry Authority (MARINA) at sa mga shipping line na solusyunan ang problema.
“Iyan po ang isa sa mga reason kung bakit mahaba talaga ang pila dahil walang ini-implement na technology-based na ticketing procedure na obligado yung mga kababayan natin na pumila dyan nang mano-mano. Sana baguhin yung sistema na yun. Pabayaan na po yung mga kababayan natin na mag-book online, at the same time, makakuha ng advanced booking pati po yung pabalik sa ano nila, pinanggalingan,” dagdag ni Santiago.