Manila, Philippines – Hiniling ni Senator Panfilo Ping Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang lahat ng umano ay pork barrel na nakasiksik sa mahigit P3.7-trillion 2019 budget.
Ang apela sa Pangulo ay Idinaan ni Lacson sa post sa kanyang twitter account.
Ayon kay Lacson, ilang beses ng ipinakita ni Pangulong Duterte ang strong political will nito na muling masusubok sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang line item veto power sa budget.
Base sa mga ibinunyag ni Lacson, ay umaabot sa bilyun bilyong piso ang pork sa proposed 2019 budget na kinabibilangan ng umano’y 160-million pesos para sa bawat kongresista.
Natuklasan din ni Lacson na maging ang ilang Senador ay mayroon din umanong individual amendments sa budget na may kabuuang halaga na 23-billion pesos.
Diin ni Lacson, ang pagpapaloob ng pork barrel sa budget ay isang matinding pagkakamali, hindi katanggap tanggap at hindi maaring palampasin.