Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacanang na hindi lang si Senador Franklin Drilon ang dapat imbestigahan ng Department of Justice at ng Office of the Ombudsman kundi ang iba pang personalidad na sangkot sa Pork Barrel Scam.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap na rin ng lumabas na balita na sinabi ni Pork Barrel Queen Janet Lim Napoles na humingi sa kanya ng 5 milyong piso si Senador Drilon bilang campaign fund.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dapat ay mapanagot sa batas ang mga pulitikong sangkot sa usapin kaalyado man ang mga ito o hindi.
Binigyang diin pa ni Roque na walang ibang gustong mangyari ang Administrasyon kundi mapanagot ang mga tiwali at mailabas ang katotohanan sa Pork Barrel Scam.
Matatandaan na sinabi na rin ni Roque na iimbestigahan ng Department of Justice ang isiniwalat ni Napoles.