Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Panfilo Ping Lacson na kailangan ng mag-imbestiga ngayon ng Ombudsman sa nabunyag na ‘Pork Insertions’ ng mga kongresista sa proposed 2019 national budget.
Inihayag ito ni Lacson makaraang inguso ni House Majority Leader Rolanda Andaya Jr. ang isang contractor na umano ay nakakopo sa 30 flood control projects sa susunod na taon kahit hindi pa aprubado ang 2019 national budget.
Base sa kuwento ni Andaya, taga-Bulacan ang contractor pero nakakuha umano ito ng mga flood control projects sa mga malalayong lalawigan katulad ng Sorsogon at Catanduanes.
Bago ito ay isiniwalat ni Lacson na sa ilalim ng bersiyon ng Kamara sa pambansang badyet para sa susunod na taon, ay nakatanggap ang isang kongresista ng P1.9 bilyon na halaga ng pork insertions at P2.4 bilyon naman ang isang babaeng mambabatas.
Kalaunan ay nabunyag na sa mga distrito sa Camarines Sur at Pampanga napunta ang mga nabanggit na pork insertions, kung saan kinatawan sina Andaya at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
bukod dito ay isiniwalat ni lacson na mayorya sa mga kongresista ay binigyan ng P60 milyong alokasyon bawa’t isa para sa umano ay kanilang mga proyekto.