Port Closure, hindi ipapatupad ng PPA ngayong holiday season

Pinabulaanan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang post ng 2GO Travel sa kanilang website na mayroong port closure ngayong holiday season.

Sa inilabas na pahayag ng PPA, iginiit nila na walang “port closure” sa mga pantalan ng Maynila at Batangas ngayong Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay General Manager Jay Santiago, tuloy ang 24/7 na operasyon sa mga pantalan at walang naiulat na pagsasara ng anumang pantalan ng PPA sa buong bansa.


Dagdag pa ni Santiago, makaaasa ang publiko sa serbisyo ng PPA ngayong peak season at tuloy-tuloy ang operasyon sa lahat ng pantalan.

Sa ngayon, naka-deploy na rin ang PPA port police sa mga pantalan at nakahanda na rin ang mga empleyadong naka-duty sa PPA Malasakit Help Desk para maasikaso ang mga uuwi ngayong kapaskuhan.

Matatandaang nitong nakaraang linggo ay naglabas ng memorandum si GM Santiago ukol sa “No Leave Policy” para sa 24/7 na operasyon ng PPA sa darating na pasko at bagong taon.

Facebook Comments