Portal para sa mga OFW, ipinababalik kasunod ng mahabang pila sa DFA- Aseana Consular Office

Panawagan ngayon ng isang grupo ng mga recruitment agencies ang pagbabalik ng online portal para sa mga overseas filipino workers (OFWs) sa pag-aasikaso sa dokumento ng kanilang mga aplikante.

Sinabi ito ni Philippine Association of Services Exporters, Incorporated (PASEI) President Raquel Bracero sa panayam ng RMN Manila kasunod ng daan-daang pumipila sa labas ng Department of Foreign Affairs DFA- Aseana Consular Office para sa apostille at passport application.

Mababatid na nag-anunsyo si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na wala na ang naturang portal at pinayagan na ang walk-in applications sa mga tanggapan ng DFA.


Ayon kay Bracero, walang katotohanan ang paratang ng DFA na sila ang may dahilan kung bakit nagdagsaan bigla ang aplikante sa Consular Office ng DFA sa Parañaque.

Paliwanag nito, sumusunod lamang sila sa kautusang pwede na ang walk-in application at nasa aplikante na kung pipila sila upang maasikaso ang kanilang aplikasyon.

Sa ngayon, nakakapagproseso ang DFA ng aabot sa mahigit 14,000 passport applications kada araw habang nasa 1,400 apostille applications naman ang kanilang naaasikaso kada araw.

Facebook Comments