Inihayag ngayon ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagpalabas ito ng kautusan sa lahat ng mga Police Station Commander sa Metro Manila na mahigpit na ipatutupad ang minimum health standard protocols lalung-lalo na ang mandatory na pagsusuot ng face masks at social distancing sa National Capital Region (NCR) kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na umakyat sa 30% mula June 6-12, 2022, nakaranag linggo.
Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen. Felipe Natividad, ang naturang hakbang ay upang maiwasan na tumaas pa ang mga positibong kaso dahil sa kapabayaan ng ilang mga Pilipino sa pag-oobserva sa nasabing health protocols.
Paliwanag ni Natividad na ang team NCRPO ay buong suporta at rumerespeto sa batas na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at parating nagbabantay sa anumang pagbabago sa alert level na gagawin ng mga awtoridad sa posibilidad na itaas sa Alert Level 2 ang NCR lalong-lalo na at tinitingnan dito ang kapakanan ng publiko at ng kanilang mga tauhan.
Binigyang diin ni Natividad na mandato nilang ipatupad ang batas at regulasyon ng gobyerno kung saan hinimok nila ang publiko na makiisa na obserbahan ang minimum health standard protocols sa mga matataong lugar at ipatupad ang disiplina sa sarili sa parating pagsusuot ng face mask at obserbahan ang social distancing sa lahat ng oras.