Hindi inaalis ng Task Force El Niño ang posibilidad na humina pa ang water pressure o magkukulang ang suplay ng tubig sa Metro Manila.
Sa gitna pa rin ito ng patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Sa kabila nito, tiniyak ni Task Force El Niño Spokesperson Joey Villarama na may back-up o alternatibong pagkukunan ng tubig ang mga water concessionaire.
Siniguro rin ng task force na handa ang pamahalaan sa worst-case scenario lalo’t inaasahang titindi pa ang init ngayong Abril at Mayo.
Muli namang nanawagan si Villarama sa publiko at sa malalaking establisyimento na magtipid sa paggamit ng tubig.
Isa rin aniya sa nakikita nilang pinakamagandang paraan upang makatipid ng tubig ay ang pagsahod ng tubig-ulan.
Samantala, walong rehiyon sa bansa ang mahigpit na binabantayan ng pamahalaan dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.
Kabilang dito ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at SOCCSKSARGEN.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang buong probinsya ng Occidental Mindoro dahil sa epekto ng tagtuyot sa mga pananim.
Gayundin ang mga bayan ng Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro; San Andres, Romblon; Mayoyao, Ifugao at Zamboanga City.
As of March 25, pumalo na sa 1.75 billion pesos ang pinsala ng El Niño sa sektor ng agrikultura.