Naniniwala ang isang eksperto na ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 ay hindi nangangahulugan na maayos na ang sitwasyon ng bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Jose Rene de Grano, presidente ng Private hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) na kaya naman mababa ang data ay dahil kakaunti na lamang ang nagpapa-COVID-19 test.
Nababahala si De Grano na baka muling tumaas ang kaso ng COVID-19 ngayong ginawa na lang ding boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa indoor settings.
Ayon kay De Grano, maari aniya itong magdulot ng pagdami ng maipapasok na naman sa mga ospital.
Sa kasalukuyan aniya ay nasa low risk classification pa naman ang mga pribadong ospital dahil kakaunti lamang ang ina-admit na pasyenteng may COVID at ang ibang pasyente aniya ay inadmit dahil sa ibang sakit at nagkakataon lamang na nagpopositibo sa COVID-19.
Mas mababa pa naman aniya sa 25% ng bed capacity ng ospital ang mga COVID-19 patients na na-admit.
Pero, hindi aniya maialis sa kanila na mabahala kapag dumami muli ang admission dahil kulang sila sa healthcare workers lalo na ng mga nurse.