Posibilidad na pagbaha ng Drug Money ngayong eleksyon, mahigpit na tinututukan ng PNP

Mahigpit na binabantayan ng Pambansang Pulisya ang galaw ng mga Pulitiko partikular na iyong mga sangkot sa operasyon ng iligal na Droga at iba pang iligal na gawain.

 

Ito’y kasunod ng naging babala nuon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagamitin ng mga Pulitiko ang pera mula sa mga Sindikato ng Iligal na Droga sa nalalapit na Mid-Term Elections sa susunod na buwan.

 

Sa pulong balitaang ipinatawag ni P/Col. Bernard Banac dito sa Kampo Crame, bagama’t aminado silang mahirap matukoy kung saan nagmumula ang pondong ginagamit ng mga Pulitiko, naka tutok naman aniya ang Pulisya para gumawa ng karampatang aksyon.


 

Kasunod niyan, umapela si Banac sa publiko na ipagpatuloy ang kanilang pagmamanman at huwag matakot na isumbong sa PNP ang mga Pulitikong gumagamit ng Guns, Goons at Gold.

 

Binigyang diin pa ni Banac na may umiiral na programa ang PNP na kung tawagin ay ASIN o Ang Suhol, Iwaksi Natin kung saan, hinihikayat nito ang publiko na huwag magpasilaw sa salapi sa kanilang pagpili ng mga ihahalal na pinuno ng bansa.

 

Magugunitang kahapon, hinikayat ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na kung hindi mababali ang sumpa ng suhulan ay makabubuti na lamang tanggapin ng publiko ang ibinibigay na pera ng mga Pulitiko subalit iboto pa rin kung sino ang laman ng kanilang konsensya na iboto.

Facebook Comments