Posibilidad ng ‘cyberattack’ sa nangyaring aberya sa NAIA noong bagong taon, isinasantabi na

Tuluyang isinasantabi ang posibilidad na ‘cyber-attack’ ang nangyaring aberya sa air traffic management system ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagparalisa sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 1.

Ayon kay Public Services Chairman Senator Grace Poe, kung pagbabatayan ang ‘findings’ ng Department of Information and Communications Technology (DICT), walang nakikitang cyberattack.

Magkagayunman, sa ginawang inspeksyon ng mga senador sa air traffic system ng CAAP, nakita nila na mahina at outdated ang cybersecurity nito na kinakailangan nang i-upgrade.


Pero kung aktwal na sabotahe, sinabi ni Poe na wala silang nakitang pananabotahe noong bumisita sila sa CAAP para inspeksyunin ang air traffic management center kung saan matatagpuan ang mga kagamitan.

Aniya, ang nakita nila rito ay tunaw na wires na hindi mangyayari sa ‘overnight’ lang dagdag pa rito ang kawalan ng maayos na maintenance, walang electrical engineers sa bawat shift, at wala ring protocols o manual sakaling magkaroon ng emergency situation.

Sa resulta ng isinagawang report ng komite ni Poe, hindi ito nalalayo sa resulta ng report ng CAAP kung saan nakita na mahina talaga ang disenyo ng engineering system, malaki ang problema sa maintenance problem at kawalan ng kakayahan ng mga tauhan.

Facebook Comments