Posible pang mabawasan ang mga households na i-re-relocate ng Department of Environment and Natural Resources na mga nakatira sa forestlands at wetlands ng Boracay.
Ayon kay DENR Usec. Ernesto Adobo, bababa pa sa 75% ng 885 households ang mga pamilyang ililipat ng DENR sa mainland.
Paliwanag ni Adobo, ang ilan sa mga nakatira sa forestlands at wetlands ay mula sa ibang lugar at hindi residente ng Boracay.
Aabot sa 6 thousand hanggang 11 thousand na units ang itatayo sa mainland para sa mga informal settlers, renters, at claimants sa isla na walang pagmamay-ari na lupa sa Boracay.
Sinabi din ni DENR Usec. Sherwin Rigor na kasama din sa ire-relocate sa mainland ang mga business establishments at ang maiiwan lamang sa isla ay ang mga legal na residente at establisyimento.
Sa pagtatanong naman ni Housing and Urban Development Chairman Albee Benitez kung magagawa ba ng DENR ang relokasyon bago ang re-opening ng Boracay, hindi pa ito matiyak ng ahensya.
Sinabi ni Rigor na kailangan pang ayusin ang land utilization budgetary requirement at endorsement mula sa committee on housing.