Posibleng maharap sa class suit ang Manila Electric Company (Meralco) dahil sa magulong electric bill nito na sumasaklaw mula sa mga buwan na umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang ngayong Hunyo.
Ang babala ay inihayag ni Senator Francis Tolentino sa isinagawang pagdinig ng Committee on Energy na pinamunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ukol sa mga reklamo sa mataas na electricity bills.
Paliwanag ni Tolentino, maaaring makasuhan ang Meralco batay sa Article 102 ng Consumer Protection Act na tumutukoy sa liability for service quality imperfection ng service provider.
Sinasabi sa batas na ang service supplier ay may pananagutan sa anumang imperfection sa serbisyo o sa anumang consistency sa impormasyong ito kung saan ang naagrabyado ay maaaring humiling ng reimbursement o bawas sa presyo.
Samantala, inihayag naman ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera na umaabot na sa 47,000 na reklamo sa mataas na electricity bills ang kanilang natanggap at iniisa isang tugunan.
“Right now ang update po namin galing sa opisina, there are already 47,000 complaints lodged with ERC. We are also organizing our people to be able to respond to the 47,000. Hindi naman pwede ang sagot namin ay sulat lamang.” -ERC Chairperson Agnes Devanadera