Isang bagay na maaaring debris ng nawawalang Cessna plane ang namataan ng isang residente malapit sa Barangay Sapinit sa Divilacan, Isabela.
Sa isang panayam, sinabi ni Joshua Hapinat, administrative officer ng Isabela Provincial Information Office na nagpadala na sila ng rescue team sa lugar upang beripikahin ang impormasyon.
Kaugnay nito, nakatutok ngayong araw ang search and rescue operations sa Cessna RPC 1174 at sa anim na sakay nito sa bahagi ng bundok malapit sa Barangay Sapinit.
Gayunman, wala pang katiyakang makapagpapalipad ng mga chopper sa lugar ngayong araw dahil sa masamang panahon sa Hilagang bahagi ng Sierra Madre.
Samantala, humingi na ng tulong ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Hong Kong Mission Control Center at sa Japan Mission Control Center para sa paghahanap sa nawawalang eroplano.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, nakipag-ugnayan sila sa kanilang counterparts sa Hong Kong at Japan para i-review ang kanilang mga system para sa distress alert mula sa RPC 1174 ngunit wala umanong na-detect ang emergency locator transmitter ng mga ito.
Samantala, anumang sandali ay handang i-deploy ng CAAP ang dalawa nitong imbestigador mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board sakaling makita na ang nawawalang Cessna plane.