Posibleng deployment ng ikalawang mid-range capability typhon missile system sa bansa, welcome development sa AFP

Mas lalakas pa ang depensa ng Pilipinas kung muling magpapadala ng Mid-Range Capability (MRC) Typhon missile system ang United States Indo-Pacific Command (US INDOPACOM) sa bansa.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, malaking tulong ito sa pagsasanay ng mga sundalo.

Ganito rin ang naging pahayag ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, dahil mas mapapabilis ang training ng mga tauhan ng hukbo.


Ang Typhon missile system ay unang dinala sa bansa noong April 2024 bilang bahagi ng joint military exercises na Salaknib at Balikatan kung saan mula noon, nanatili ito sa Pilipinas, bagay na ikinagalit naman ng China.

Ngunit giit ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi ito nakatutok laban sa kahit anong bansa, kundi bahagi lamang ng pagtatanggol ng Pilipinas bilang isang soberanong estado.

Paliwanag ni Trinidad, ang Pilipinas ay sumusunod sa rules-based international order, taliwas sa ginagawa ng China na patuloy na lumalabag sa International Law at nagpapagulo sa rehiyon.

Matatandaang nanawagan ang China na tanggalin ang US missile system mula sa bansa, ngunit ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., handa siyang alisin ito kung titigilan ng China ang agresyon nito sa West Philippine Sea.

Binigyang diin pa ng Sandatahang Lakas na walang ibang bansa ang makapagdikta kung paano palalakasin ng Pilipinas ang depensa nito

Facebook Comments