Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang mga posibleng evacuation sites sa panahon ng sakuna kasabay ng isinagawang coordination meeting para sa geomapping at pagtukoy ng tsunami at iba pang hazard-prone areas sa lungsod.
Tinalakay sa pagpupulong ang masusing pagmamapa at pagsusuri ng mga lugar na may banta ng tsunami at iba pang panganib, sa higit 15 barangay kabilang ang Bonuan Gueset, Boquig, Binloc, Salapingao, Pugaro, Carael, Lomboy, Calmay, Poblacion Oeste, Pantal, Tapuac, Lucao, Barangay 1, 2, 3, Herrero Perez, at Malued.
Layunin ng geomapping at hazard identification na makapaglatag ng malinaw at data-based na plano para sa mabilis at ligtas na paglikas ng mga residente sakaling magkaroon ng sakuna.
Binibigyang-diin sa talakayan ang kahalagahan ng tamang impormasyon, lokasyon, at accessibility ng mga evacuation centers na madaling ipatupad sa mga barangay.
Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, katuwang ang Public Alert Response and Monitoring Center, ang mga technical discussion upang matiyak na ang mga nakalap na datos at mapa ay magagamit sa aktuwal na disaster preparedness at response planning. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










