Nagbabala ang Samahan ng Magbabangus ng Pangasinan (Samapa) tungkol sa posibleng kakulangan ng supply ng bangus fingerlings isang linggo matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Ayon kay Samapa president Christopher Aldo Sibayan, malaki ang pinsala sa mga producer sa Dagupan, Binmaley, Lingayen, Bugallon at Labrador, dahilan upang bumaba ang supply.
Bagaman hindi gaanong napinsala ang kanlurang bahagi ng Pangasinan at inaasahang mananatiling sapat ang supply ng bangus, iginiit naman ni Sibayan na maaaring maging problema ang fingerlings na karaniwang galing sa Binmaley, isa sa pinakamalaking pinagmumulan nito sa bansa.
Hindi rin inalis ni Sibayan ang posibilidad ng pagtaas ng presyo at hinimok ang mga producer na agad mag-restock upang maiwasan ang kakulangan.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Samapa sa BFAR para tugunan ang isyu sa supply.
Noong kasagsagan ng bagyo, bumagsak hanggang 80 pesos ang presyo ng kada kilo ng bangus sa probinsya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









