Posibleng kakulangan ng tubig sa panahon ng El Niño, pinaghahandaan na ng DILG at mga water firm

Pinaghahandaan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga water concessionaire ang posibleng kakulangan ng suplay ng tubig sa panahon ng El Niño phenomenon.

Dito pinagusapan ang magiging strategy upang maiwasan ang water shortage at water supply interruptions.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., ang kanilang pagpupulong ay para matiyak na may sapat na supply ng tubig habang umiiral ang tagtuyot.


Aniya, prayoridad ng kanilang ahensya ngayon ang patuloy na koordinasyon sa lahat ng involved sa isyu ng suplay ng tubig kasama na rito ang mga kinatawan mula sa Maynilad, Manila Water, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Bukod pa rito, kasama rin sa pulong ang Liga ng Barangay Presidents mula sa National Capital Region (NCR), punong barangays mula sa Makati, Pasay, Parañaque, Manila, at Caloocan.

Una ng sinabi ng PAGASA na asahan na ang pagpapatuloy ng El Niño ngayong buwan at posibleng maramdaman pa hanggang sa panahon ng Marso hanggang Mayo 2024.

Facebook Comments