Posibleng kompromiso sa Malacañang ukol sa volume ng aangkating pork at taripa, pag-uusapan ngayon ng mga senador

Nagpatawag ngayong alas-10:00 ng umaga ng caucus ng mga senador si Senate President Tito Sotto III.

Ito ay para pag-usapan ang posibleng kompromiso sa Malakanyang kaugnay sa nilalaman ng Executive Order number 128 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na tugon sa African Swine Fever (ASF) outbreak.

Hiling ng mga senador na ibaba ang 404,000 metriko tonelada ng aangkating pork ngayong taon na nakapaloob sa EO.


Kinonkontra rin ng mga senador ang itinatakda sa EO na ibaba sa 5 to 10 percent ang kasalukuyang 30 to 40 percent na taripa na ipinapataw sa pork importation.

Paliwanag ng mga senador, mamamatay ang local hog industry kapag ipinatupad ang nabanggit na EO at mawawalan din ng napakalaking koleksyon ang gobyerno.

Sa caucus ay ihahayag ni Sotto ang bunga ng pag-uusap nila ni Finance Secretary Carlos Dominguez.

Facebook Comments