Lumutang sa ika-anim na pagdinig ng house quad committee ang posibleng koneskyon ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping sa notoryus na ‘Fujian Gang.’
Ang Fujian Gang ay tumutukoy sa isang sindikato na katulad ng mga triad, na kinabibilangan ng mga gang na lumipat sa Hong Kong at local networks sa Fujian.
Sa hearing ay ipinakita ni Batangas 2nd District Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang poster ng pagbati kay Guo mula sa mga negosyanteng Chinese na nakabase sa Maynila pero pawang nagmula sa Fujian na may mensaheng “unang Chinese na alkalde sa Pilipinas” noong 2022.
May mga ipinrisita ring dokumento at mga impormasyon si Luistro mula sa Bureau of Immigration (BI), na tumutukoy kay Guo na dependent ng kaniyang ina na si Lin Wen Yi, na tubong Fujian.
Binanggit din ni Luistro na mula rin sa Fujian ang dalawang kasosyo ni Guo at mga kapwa incorporators ng Bamban-based na Baofu Land Development Inc. na sina Lin Baoying at Rujin Zhang—na parehong nahatulan ng paglabag sa anti-money laundering sa Singapore.
Sabi ni Luistro, ang mga nabunyag na mga aktibidad ni Guo at posibleng koneksyon sa mga sindikato ay isang seryosong problema sa kung paano manipulahin ng mga dayuhan ang mga sistema sa Pilipinas para sa kanilang mga iligal na gawain.