Utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) ang paghahanda para sa napipintong krisis sa pagkain.
Sa kaniyang executive meeting sa DA kahapon, sinabi ni Pangulong Marcos na posibleng maranasan ng bansa ang krisis sa pagkain sa susunod na dalawang quarter ng taon.
Kaya pinasisiguro niya sa DA ang sapat na suplay ng bigas at mais sa natitirang mga buwan ng kasalukuyang taon.
Ayon sa pangulo, importanteng matutukan ang pagpapataas ng produksyon ng pagkain, hindi lamang ng bigas at mais kundi ng live stocks tulad ng baboy at manok sa presyong kayang abutin ng publiko, dahil wala aniyang saysay na may pagkain nga pero hindi naman kayang bilhin ng tao dahil sa mataas ang presyo.
Sinabi ng pangulo na para sa pang-matagalang panahon o long term measure, kailangang magkaroon ng multilayer plan para bumuo ng value chain mula sa scientist at researchers hanggang sa Kadiwa stores.
Kung kailangan aniyang bumuo ng Executive Order (EO) para rito ay gawin na ng DA ang draft at ibigay sa kaniya para maaprobahan.
Humihingi rin ang pangulo ng short memo o report hinggil sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) kung saan napupunta ang pondong nakokolekta mula sa pagpapatupad ng rice tariffication law, at kung kailangan na bang ratipikahan at ilahad ang prons at cons nito.