Posibleng lockdown sa ilang lugar sa Parañaque City, pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan

Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang posibilidad na magsagawa ng lockdown sa ilang lugar na may mataas na kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa naging anunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Parañaque, mula sa 16 na barangay sa lungsod, nakatuon sila ngayon sa tatlong barangay na may mataas na bilang ng mga residente na tinamaan ng COVID-19.

Kabilang dito ang Barangay San Antonio na may 77 kaso, sumunod ang Barangay San Dionisio na may 72 kaso at Baclaran na nasa 48 na kaso ng COVID-19.


Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, lahat ng residente sa nabanggit na tatlong barangay na nag-positibo sa COVID-19 ay isasailalim sa isolation at quarantine sa pangangalaga naman ng City Health Office (CHO).

Magsasagawa rin sila ng mass testing at contact tracing sa mga nasabing barangay kung saan iaanunsiyo ng alkalde sa mga susunod na araw kung isasailalim sa lockdown ang ilang kalye o sitio na may mataas na kaso ng COVID-19 partikular sa tatlong barangay na kanilang tinututukan.

Sa tala naman ng Parañaque City Health Office, 601 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, 583 ang suspected cases, 1,305 ang probable, 40 ang nasawi at 181 ang bilang ng mga nakakarekober sa nasabing sakit.

Facebook Comments