Tinatayang nasa 370 lang ang mga taong posibleng makaranas ng matinding side effects ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Lumabas ang naturang impormasyon sa pagtalakay ng Senado sa panukalang COVID-19 Vaccination Program Act na idinidepensa ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara.
Sa deliberasyon ng Senado, sa panukala ay sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ayon sa department, .0005 lang sa 70-milyong mga Pilipino na babakunahan ang maaaring makakaranas ng hindi magandang epekto nito.
Pinagbatayan naman ng DOH ang datos mula sa ibang bansa na unang nagturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Samantala, ngayong araw, target ng Senado na ipasa sa third and final reading ang panukala na magpapabilis sa proseso ng pagbili ng bakuna ng national government, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.
Nakapaloob din sa panukala ang 500-million pesos na indemnity fund para sa makakaranas ng matinding adverse effect ng bakuna.
Itinatakda rin ng panukala na gawing exempted sa buwis ang importasyn at distribusyon ng COVID-19 vaccine at mga kaakibat nitong kagamitan.
Sa ilalim nito ay iisyuhan din ng vaccination card ang lahat ng mababakunahan.